Sunday, 22 July 2012
Andiyan ka pa ba? Sana ay naririnig mo ako ngayon kahit nasa ibang dimensyon ka.
Kasama pa rin ba ako sa mundong iyong ginagalawan o isa na lamang akong projection ng isang mundong nais mong makamtan? Nakapagtataka kung paano tayo nananatiling magkaugnay kahit na magkaiba na ang ating dimensyong kinabibilangan. Habang ako ay nakikipagbuno sa kasalukuyan, andiyan ka pa rin at nananatili sa aking nakaraan. Kailan ba natin makakamtan ang hinihiling ng ating mga puso na tayo ay magkasama? Gaano ba kabilis o katagal ang minimithi nating panghinaharap para sa ating dalawa? Ang hirap ng ganitong sitwasyon! Nandito ako habang nandiyan ka pa rin. Habang ako ay umuusad, pakiramdam ko palayo ka naman ng palayo sa akin. Kailan ka ba makakaabot? Kailan ba tayo magkakasama? Masakit malaman na hindi na ako naaangkop sa mundong iyong ginagalawan kahit nga ba nanggaling na ako diyan.
Marami na ang nagbago na hindi natin maiwasan. Alam kong mali pero hindi ko maiwasang itanong sa aking sarili kung parte pa rin ba ako ng iyong kaligayahan? Kaligayahan na dati rati ay buong buo nating ibinabahagi sa isa't isa. Subali't ngayon tila ba pilit na lang ipinararamdam sa bawat isa ang salitang "masaya". Kung hindi tampuhan, puro away ang ating ginagawa. Bihira na nga lang tayong magkita, at sa tuwing tayo'y magkausap hindi pa maiwasang makapagbitaw ng masasakit na salita sa bawat isa. Bakit? Ano na ba ang nangyari sa dati ay matamis na pagsasama? Marahil ako ang may problema, di ba? Ako na lang palagi ang nagsisimula ng away nating dalawa. Bakit ba hindi ko maiwasang masaktan habang nakikita kitang masaya sa piling ng iba, habang ako ay heto at nag-iisa at naghihintay saiyo? Nasasaktan ako dahil dati rati ay sa akin mo lamang inilalaan ang matatamis mong ngiti at tawa na sa akin ay nagpapasaya. Sa akin mo lamang noon ibinabahagi ang iyong mga pangarap, takot at problema, subali't ngayon tila ba hindi na lang ako ang tanging nag-iisa diyan sa puso mo. At para nga bang hirap ka ng sabihin ang iyong nararamdaman. O, ako nga lang ba talaga ang may problema? Masyado ba akong makasarili? At kahit sinasabi kong masaya ako na nakikita kang masaya, bakit nasasaktan pa rin ako na makita kang masaya sa piling ng iba? O, natatakot lang ba ako na dumating ang araw na hindi na ako ang pinakamahigit na rason kung bakit ka maligaya? Mahal naman kita pero bakit hindi mawala ang aking takot at pangamba? Marahil hindi na tayo katulad ng dati kung saan magkasama tayo sa iisang mundo na ating binuo para lamang sa ating dalawa. At ang tangi ko na lamang magagawa ay ang manalig at magtiwala na ako pa rin ang nagbibigay saiyo ng inspirasyon para mabuo mo ang iyong sariling mundo upang kapag dumating ang panahon na tayo'y muling magkasama buong buo mo ng maibabahagi sa akin ang iyong sarili.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment